Expectation vs. Reality’: Mga mamimili binalaan sa mapanlinlang na online sales practices
Sa panahon ngayon, hindi lahat ng nakikita sa internet ay totoo. Dahil dito, pinaalalahanan ng ‘CIA with BA’ ang mga manonood na maging matalinong mamimili at alamin ang kanilang mga karapatan upang hindi maloko.
Ibinahagi ni Ricca mula sa Mariteam ang kanyang karanasan sa pag-order ng fleece blanket online, ngunit nang dumating ito, hindi ito tulad ng inaasahan niya.
“Naghihimulmol siya. So nag-file ako ng report [pero] walang response sa ‘kin ‘yung seller. [Ngayon], naka-pending ‘yung transaction ko ng refund,” aniya.
Ganito rin ang naranasan ni Manilyn nang umorder siya ng burger online. Ayon sa kanya, sa larawan ay tila marami itong palaman, ngunit nang dumating ang order, malayo ito sa kanyang inaasahan.
Ipinaliwanag nina Senador Alan Peter Cayetano at mga legal expert ng programa na ang kanilang mga kaso ay saklaw ng Consumer Act of the Philippines.
“Ito ‘yung batas na nagpoprotekta sa mga mamimili, whether online or sa mga palengke or supermarket. ‘Yan ang pinaka-major na batas natin para dyan,” paliwanag ni Atty. Mark Devoma.
Ayon kay Atty. Devoma, ang mga insidenteng ito ay halimbawa ng deceptive sales practices.
“Prohibited syempre na linlangin mo, in-advertise mo, in-embellish mo too much to the point na medyo nade-defraud na ‘yung mga umorder non, so deceptive na ‘yon,” aniya.
Upang maiwasan ang ganitong panloloko sa online shopping, pinapayuhan ang mga mamimili na:
- Siguraduhing lehitimo ang seller – Bago bumili, suriin ang ratings, reviews, at feedback ng ibang customers.
- Basahing mabuti ang produkto at patakaran ng seller – I-check ang product details, return/refund policy, at terms ng seller.
- Gumamit ng secure na payment method – Mas mainam kung may buyer protection ang payment platform na gagamitin.
- Mag-document ng transaksyon – Kumuha ng screenshots ng product listing, order confirmation, at usapan sa seller bilang ebidensya.
- I-report ang panloloko – Kung hindi tumugon ang seller, maaaring idulog ito sa e-commerce platform o sa Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng kanilang Consumer Protection Division.
Binigyang-diin ni Senador Alan Cayetano ang kahalagahan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng Consumer Act upang mas maprotektahan ang mga mamimili, lalo na ngayong patuloy ang pagdami ng online transactions.
Ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa legasiya ng yumaong Senator Rene Cayetano at mapapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, na may replays sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento