Pia Cayetano, nagbabalik sa ‘CIA with BA’
Opisyal nang nagbalik si Senator Pia Cayetano sa Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA), muling nakasama ang kanyang kapatid na si Senator Alan Peter Cayetano at TV host na si Boy Abunda sa paboritong trio na matagal nang hinahangaan ng mga manonood.
Sa episode noong Agosto 24, nagpasalamat si Pia sa paglalakbay na kanyang pinagsaluhan kasama ang kanyang mga co-host at mga manonood: “Mahigit dalawang tao na tayong magkakasama dito sa Cayetano in Action with Boy Abunda. Sa bawat kwento, natututo kaming lahat—kami ni Alan, ni Tito Boy—at sa bawat problema, sinisikap naming tulungan ang mga lumalapit sa ating programa.”
Binalikan din niya ang kanyang karera sa politika at ang mga unang taon niya sa paglilingkod publiko.
“Noong 2004 o 21 taon na ang nakalipas mula nung una akong nahalal bilang babaeng Senador. Ako po ‘yung pinakabatang Senador noon. Isa po akong ina, maliliit pa ang mga anak ko no’n, at dala ko ang inspirasyon ng aking ama, the late Senator Rene Cayetano. Isa rin po akong abogado katulad ng aking ama,” ani Pia.
Ngayon, sa kanyang ikaapat na termino, nagpasalamat siya sa publiko sa muling pagtitiwala: “At ngayon sa ikaapat na pagkakataon, ibinigay niyong muli ang inyong tiwala na ako ay ihalal bilang Senador. Maraming salamat po.”
Ang pagbabalik niya sa CIA with BA ay hindi lamang isang comeback—ito rin ay simbolo ng kanyang patuloy na dedikasyon sa paglilingkod, sa Senado man o sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipinong lumalapit para humingi ng tulong at gabay.
“Kaya ngayon [na] nakabalik na ako sa Senado, muli din akong bumabalik sa Cayetano in Action with Boy Abunda. Sa programang ito, tuloy-tuloy ang ating paglilingkod hindi lamang sa loob ng session hall ng Senado kundi sa mga barangay, sa mga tahanan, at sa mga pusong nag-aantay ng tulong,” ani Pia.
Para kay Pia, sa Senado man o sa telebisyon, pareho lang ang layunin: maglingkod nang may malasakit at dedikasyon.
“Sa Senado man o sa telebisyon, isang karangalan para sa akin ang paglingkuran kayo,” aniya.
Sa pagbabalik ni Ate Pia, muling kumpleto ang paboritong trio na kinikilala ng mga manonood—Alan, Pia, at Boy—na handang magpatuloy sa pagbibigay ng gabay at inspirasyon sa publiko tuwing Linggo ng gabi sa GMA7.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento