CIA with BA’: Legal ba ang pagbebenta o pagpapampon ng anak sa social media?
Sa panahon ngayon na halos lahat ay naibebenta online, isang viral na video ang umani ng batikos matapos ipakita ang isang magulang na ibinebenta umano ang kanyang anak sa social media. Ang nakakagulat na insidenteng ito ang naging paksa sa segment na Tanong ng Pilipino ng Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA), kung saan tinalakay nina Boy Abunda at ng mga legal experts ng programa ang tanong: legal ba na ipaampon o ibenta ang isang bata gamit ang social media?
Unang sinagot ang isyu kung maituturing bang valid ang adoption kung ito ay ginagawa o inaanunsyo lang sa pamamagitan ng isang online post.
Ayon kay Atty. Marian Cayetano, nagiging legal lamang ang adoption kapag dumaan ito sa tamang proseso at ahensya ng gobyerno. “Nagiging legal ang adoption kapag ito ay dumaan sa proseso—sa DSWD. Hindi po basta-basta pino-post lang sa social media,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, mas mabigat na kaso ang pagbebenta ng bata. “At ‘yun namang pagbebenta, papasok na siya sa trafficking. ‘Pag ang adoption ay may kapalit na pera, trafficking na ang tawag don,” diin ni Atty. Marian.
Isa ring tanong ng mga nakapanood ng video ay kung maaari ba itong maituring na child abuse o abandonment.
“It can be considered, kasi ‘yung child abuse includes exploitation,” sabi ni Atty. Matt Cesa. “The fact na parang pinapamigay mo na ‘yung anak mo—parang ginawa mong commodity ‘yung bata—ine-exploit mo siya.”
Ngunit magkaiba ito sa depinisyon ng abandonment. “For abandonment, ibang usapan kasi siya. Dapat clear na iniwan mo na ‘yung bata, sinever mo na ‘yung ties, wala ka nang intensyon na balikan siya o alagaan. Kumbaga, iniwan mo siya ng walang alternative na mag-aalaga,” paliwanag niya.
Malinaw ang naging diskusyon: nagiging legal lamang ang adoption kung dumaan ito sa tamang proseso sa DSWD, samantalang ang pagbebenta ng bata ay pasok sa trafficking. Gaya ng binigyang-diin ni Atty. Matt Cesa, ang pagtrato sa isang bata na “parang ginawa mong commodity” ay malinaw na isang uri ng exploitation at maaaring maituring na child abuse. Sa huli, ipinapaalala ng episode na ang mga bata ay hindi pag-aari na maaaring ipamigay o ibenta online, kundi mga indibidwal na may karapatang dapat laging unahin at pangalagaan.
Pinangungunahan ng magkapatid na sina Senador Alan at Pia Cayetano, kasama si Tito Boy, ang CIA with BA ay nagpapatuloy sa adbokasiya ng yumaong Senador Rene Cayetano. Mapapanood ito tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento