CIA WITH BA : TATAY POSIBLENG MANAGOT SA PAG-UDYOK NG SUNTUKAN NG ANAK AT MGA KA-KLASE

CIA with BA’: Tatay, posibleng managot sa pag-udyok ng suntukan ng anak at mga kaklase

Isang viral video kung saan makikitang inudyukan ng isang tatay ang mga kaklase ng kanyang anak na makipag-suntukan sa anak niya ang naging sentro ng mainit na talakayan sa programang Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA). Tinalakay ito sa segment na Tanong ng Pilipino, kung saan ipinaliwanag ng mga legal experts ang posibleng pananagutan ng naturang magulang.

“Ano ang pananagutan ng isang magulang kung siya mismo ang nag-udyok o pumayag sa makipag-away ang kanyang anak sa ibang bata?” tanong ng isang viewer na nagsilbing panimula ng diskusyon.

Ayon kay Atty. Marian Cayetano, maaaring makasuhan ang mga magulang na nag-uudyok ng suntukan sa pagitan ng kanilang anak at mga kaklase. “‘Pag inudyukan mo kasi ang anak mo na makipag-away sa iba, pwede kasing makasuhan siya criminally and civilly,” paliwanag niya. Dagdag pa niya, “Isa sa mga pwedeng maikaso sa kanya is child abuse. Bakit? Kasi inilagay niya ‘yung anak niya sa isang sitwasyon na may karahasan.”

Ipinunto rin ni Atty. Matt Cesa na kahit hindi direktang sangkot ang magulang sa pisikal na aksyon, maaari pa rin itong managot sa ilalim ng batas. “Meron kasi tayong concept sa criminal [case] na principal inducement. So hindi ikaw mismo ‘yung gumawa ng krimen pero ikaw ‘yung nag-udyok e. If ever natuloy ‘yung away, nagkaroon ng sakitan, nagkademandahan.. pwedeng ma-involve ‘yung tatay as a principal do’n sa criminal case,” paliwanag niya.

Dagdag pa rito, maaari ring maghain ng reklamo ang mga magulang ng ibang bata kung natuloy ang suntukan. Ayon kay Atty. Bernadette Maybituin, “Meron din concept kasi under the new Civil Code na parental authority. So may vicarious liability ang mga magulang. Kung mag-fa-file man sila ng kaso, pwede nilang sampahan ng damages kasi [‘yung tatay] ang may parental authority over minors.”

Sa pagtatapos ng usapan, nagpaalala si Boy Abunda: “Ang ating natutunan dyan: hindi solusyon na ‘pag may problema ang mga menor de edad na bata ay, ‘O sige, magsabunutan kayo diyan!’ O kaya, ‘Magsuntukan kayo!’ Because you’re putting the children or the kids in danger.”

Muling binigyang-diin ng CIA with BA na ang responsibilidad ng mga magulang ay ang paggabay sa kanilang mga anak tungo sa ligtas at maayos na pagresolba ng alitan—hindi ang pag-udyok ng karahasan.

Ang CIA with BA—na pinangungunahan ng magkapatid na sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano, kasama si Boy Abunda—ay nagpapatuloy sa adbokasiya ng yumaong Sen. Rene Cayetano. Mapapanood ito tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento