AKSIDENTE O KAPABAYAAN? VIRAL TRUCK INCIDENT BINUSISI SA CIA WITH BA

Aksidente o kapabayaan? Viral truck incident, binusisi sa ‘CIA with BA’

Isang viral video na nagpapakitang nabagsakan ng debris mula sa isang ginagawang gusali ang isang truck ang muling naging paksa ng talakayang legal sa segment na “Tanong ng Pilipino” ng Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA).

Ang insidenteng inakala ng ilan na isang simpleng aksidente lamang ay nagbukas ng diskusyon tungkol sa pananagutan, kaligtasan, at pagsunod sa batas sa mga construction site.

“Maaari bang habulin ng truck owner ang construction company para sa danyos?” tanong ng isang viewer, na tumutukoy sa viral video na kumalat online.

Sinagot ito ni Atty. Marian Cayetano, na nagsabing maaari talagang managot ang construction company. “Yes, pwede pong habulin ng truck owner ang construction company dahil nabagsakan siya ng debris.”

Dagdag pa niya, “Sa Civil Code natin, meron tayong konsepto na quasi delict or torts. Ibig sabihin, ang isang tao ay dapat pong magbigay ng damages [fee] kung ang taong ito ay at fault or with negligence—nagkaroon ng pinsala against another person or kanyang ari-arian.”

Nag-follow up naman si Boy Abunda at tinanong kung ano ang mga batas na nagre-require ng safety nets, barriers, o warning signs sa mga construction site, lalo na’t tila wala nito sa viral video.

Tinukoy ni Atty. Cayetano ang National Building Code bilang pangunahing batas na nagtatakda ng mga alituntunin sa kaligtasan ng mga construction site. “Ito po ‘yung batas na nagsasabi na kailangang protektahan ‘yung pedestrians and kahit motorists. Sa IRR (implementing rules and regulations) naman po nito, nakalagay din po na kung may construction, kailangan may safety nets, railings, sign boards… very important kasi ‘yung safety measures [ng mga tao].”

Dagdag naman ni Atty. Bernadette Maybituin, may pananagutan din ang local government unit (LGU) sa pagpapatupad ng mga safety measures. “Under the National Building Code, ang building official ng isang LGU—siya ‘yung nag-i-issue ng building permits so kaakibat dito sa power na mag-issue ng building permits ay ‘yung mandatory inspections of the construction sites. So kapag nakita niya na merong mga violation ng safety precautions or measures, puwede niyang ipatigil ang construction at bawiin ang building permit.”

Nilinaw rin ni Atty. Maybituin na hindi sapat na dahilan ang sabihing “aksidente” lang ang pangyayari upang makaiwas sa pananagutan. Ayon sa batas, ang kapabayaan—sadyang ginawa man o hindi—ay maaaring magresulta pa rin sa pananagutan.

Sa huli, ipinunto ng programa na ang kaligtasan ay hindi dapat isantabi. Ang mga kumpanya sa konstruksyon, mga opisyal ng LGU, at maging ang mga mamamayan ay dapat may kamalayang sundin ang mga patakaran para maiwasan ang disgrasya. Tulad ng ipinakita sa CIA with BA, ang pagsunod sa batas at pagiging responsable ang tunay na pundasyon ng kaligtasan ng lahat.

Ang CIA with BA, na pinangungunahan ng magkapatid na sina Sen. Alan at Pia Cayetano kasama si Tito Boy, ay napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento