MABUTING LOOB NAUWI SA OBLIGASYON

Mabuting loob, nauwi sa obligasyon!

Minsan, ang pagtulong ay nauuwi sa mabigat na pasanin, gaya ng sinapit ng dalawang guro na humingi ng legal na payo sa Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA).

Sa segment na Payong Kapatid, ibinahagi nina Teacher Luz at Teacher Marietta ang kanilang karanasan tungkol sa isang kabutihang loob na nauwi sa problema sa batas.

Kwento nila, nilapitan sila ng isa nilang kasamahan sa trabaho at hiniling na gawing co-maker sa isang pautang. Dahil sa malasakit at pagtitiwala, pumayag silang tumulong.

Ngunit sa kasamaang-palad, pumanaw ang kanilang kasamahan bago pa man mabayaran ang utang.

Upang maliwanagan, lumapit sina Luz at Marietta kay Senator Alan Peter Cayetano at sa mga legal experts ng programa, sina Atty. Bernadette Maybituin at Atty. Matt Cesa.

Nagbahagi si Senator Alan ng mahahalagang prinsipyo tungkol sa pagtatakda ng hangganan at pagtupad sa obligasyon pagdating sa usaping pautang at pangungutang.

“The closer you are sa isang tao, the more important na merong kontrata. Kailangan may boundary,” paalala ni Kuya Alan, na binigyang-diin ang kahalagahan ng malinaw na kasunduan kahit sa pagitan ng magkaibigan.

Dagdag pa niya, “Sa bawat karapatan, may obligasyon. Umutang kayo, umutang si ma’m… meron siyang obligasyon magbayad. At ‘yung nagpapautang, may karapatang maningil.”

Sa kaso nina Luz at Marietta, mayroon nang desisyon ang korte na sila ang kailangang magbayad ng utang ng kanilang yumaong kasamahan. Gayunman, umaasa pa rin sila na mababayaran ito gamit ang mga naiwan nitong ari-arian.

Ngunit giit ng pamilya ng yumaong guro, hindi raw namamana ang utang.

Nilinaw ito ni Senator Alan: “Totoo ‘yon, na hindi namamana ang utang pero ‘yung iniwan niya, bago mapunta sa kanila (sa pamilya), ‘yon muna ay obligasyon na bayaran ‘yung utang.”

Sa huli, nangako si Kuya Alan na tutulungan sina Luz at Marietta sa kanilang pinansyal na laban at sa pagharap sa kaso bilang bahagi ng pagkilala at pagpupugay sa sakripisyo ng mga guro.

Sa pamamagitan ng Payong Kapatid, muling pinaalalahanan ng programa ang mga manonood na ang pagtulong ay isang kabutihan—ngunit dapat laging sinasabayan ng sapat na kaalaman sa batas.

Ang CIA with BA, na pinangungunahan ni Sen. Alan kasama sina Sen. Pia Cayetano at Boy Abunda, ay napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento