Bata, huli sa aktong pagnanakaw! Pwede bang kasuhan?
Isang viral video ng isang 9-taong-gulang na batang nahuling nagnanakaw sa tindahan ang nagpasiklab ng debate sa buong bansa. Maraming netizens ang nagtatanong kung paano tinutugunan ng batas ang mga batang ganito ang edad. Tinalakay ito sa Tanong ng Pilipino segment ng “CIA with BA.”
Ipinaliwanag ni Atty. Marian Cayetano ang kaugnayan ng batas sa sitwasyon, na batay sa Juvenile Justice and Welfare Act.
“Meron kasi tayong Juvenile and Justice Act. Sinasabi ng batas na ‘to na ‘pag below 15 years old, walang criminal liability ang bata. Ngunit kahit wala siyang criminal liability, kung gumawa siya ng krimen, meron pa ring magagawa ang ating DSWD o ang ating mga kinauukulan. Pwedeng mag-community-based or intervention program ang magulang kasama ‘yung bata para ‘di na siya maulit,” paliwanag niya.
Nag-follow up si Boy Abunda, “Kapag below 15 [years old] ang bata, sino ang mananagot sa ginawa niya?”
Ipinaliwanag naman ni Atty. Bernadette Maybituin ang konsepto ng vicarious liability.
“Under our law, meron tayong tinatawag na vicarious liability, na kung saan sinasabi na ‘yung mga magulang na may parental authority over the minor children ay may responsibility sa kanilang anak at kung sila ay gumawa ng ganitong bagay, pwede silang liable for damages but not the criminal aspect of the case,” aniya.
Tinukoy din ang tanong kung may karapatan ang may-ari ng tindahan na ibunyag ang pagkakakilanlan ng bata sa social media. Atty. Rafael Rivera linaw na, “Bawal. Kasi sa batas na binanggit ni Atty. Marian, ‘yung mga child in conflict with the law—‘yon ‘yung proper legal term niya—ay protected ang identity nila, protected ang records nila, pati ‘yung proceedings nila. Strictly confidential [lahat ‘yan].”
Dagdag pa niya, “It recognizes the reality of us, human beings, na we make foolish mistakes as we are young and then eventually we grow out of it, we reform as human beings. Pinagbibigyan natin ng pagkakataon ang tao na magbago at hindi siya matali do’n sa past niya, especially at such age,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng rehabilitasyon kaysa parusa.
Itinampok ng talakayan kung paano binabalanse ng batas ang pananagutan at malasakit, pinoprotektahan ang mga bata mula sa stigma habang ginagabayan ang mga magulang at pamilya sa tamang interbensyon.
“CIA with BA,” na pinangungunahan nina Senator Alan Peter Cayetano, Senator Pia Cayetano, at Tito Boy, ay mapapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento