MGA BATA PINAGSASAGUPA SA VIRAL BOXING MATCH MGA MAGULANG MAAARING MANAGOT

Mga bata, pinagsagupa sa viral boxing match; mga magulang, maaaring managot!

Sa pinakabagong episode ng CIA with BA, isang viral na video ang kumalat sa social media at ikinagulat ng publiko—dalawang batang tinatayang nasa anim hanggang walong taong gulang lamang ang pinagsagupa sa isang boxing match habang nakamasid ang mga matatanda.

Sa halip na ligtas at masayang laro, naging mapanganib at nakababahala ang eksena.

Sa segment na ‘Tanong ng Pilipino,’ tinanong ni Boy Abunda ang mga eksperto sa batas kung may nilabag na batas sa pagpapalaban ng mga menor de edad.

Sagot ni Atty. Matt Cesa: “Well, meron.” Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng Child Abuse Law, malinaw na labag sa batas ang paghikayat o pagpapasali sa ganitong laban.

Tinanong din kung magiging legal ba ito kung pumayag ang mga magulang ng bata.

Linaw ni Atty. Bernadette Maybituin: “Hindi po ito legal, regardless of the consent of the parents.” Pinaliwanag niya na malinaw at absolute ang batas. “Absolute at klaro ang batas na bawal ‘yung mga ganito kasi ito ay nakakasira do’n sa normal development ng bata.” Walang pahintulot ng magulang ang makakapag-legalize sa ganitong gawain.

Dagdag pa ni Atty. Matt, hindi lang ang mga magulang ang pwedeng managot. Sinumang matatanda na nag-facilitate, nag-encourage, o kumita mula sa laban, kasama na ang mga tumaya, ay maaari ding humarap sa batas.

“Maaaring managot ang mga magulang or even the adults involved dito like ‘yung mga nag-facilitate or kung may pustahan, ‘yung tumaya,” aniya.

Ipinakita ng episode na hindi kayang maunawaan ng mga bata ang panganib ng ganitong gawain, kaya responsibilidad ng mga matatanda na siguraduhin ang kanilang kaligtasan. Ang mga larong tila “play” o “content” ay agad na nagiging pang-aabuso kapag nanganganib ang bata.

Bilang pagtatapos, pinaalalahanan ng CIA with BA ang publiko: responsibilidad nating lahat ang protektahan ang mga bata. Online man o offline, huwag hayaan na mapahamak ang isang bata para lamang sa aliw, viral content, o pansariling interes.

Pinangungunahan nina Senator Alan Peter Cayetano, Senator Pia Cayetano, at Tito Boy, ang ‘CIA with BA’ ay napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento