CIA with BA’: ₱500, kasya ba talaga para sa Noche Buena?
Muling naging mainit na usapin sa Tanong ng Pilipino segment ng CIA with BA ang tanong kung P500 lang ba sapat para sa Noche Buena, kasunod ng viral at pinunaang pahayag ni Department of Trade and Industry Secretary Cristina Roque. Lalo itong tumimo sa mga Pilipinong nahihirapan na sa taas ng presyo at pang-araw-araw na gastusin.
Tinalakay ni Senator Alan Peter Cayetano ang kontrobersiya at inamin niyang naiintindihan niya ang galit ng publiko. “I fully understand ‘yung mga kritiko. Ang hirap na ng buhay, hindi naman [sa] lahat ng grocery, lahat ng palengke, mabibili mo ‘yan,” ani Cayetano.
Binigyang-diin din niya kung paano mas sensitibo ang ganitong pahayag kapag galing sa mataas na opisyal. “And ‘pag ikaw ay isang secretary, nandyan ka sa taas, sasabihin mo ‘yan?” wika niya, na nagpapakita ng agwat sa pagitan ng pamamalakad at araw-araw na buhay ng mga ordinaryong Pilipino.
Ngunit ipinaliwanag ng senador na ang problema ay hindi sa mismong mensahe, kundi kung paano ito naipahayag at kung ano ang konteksto. Aniya, mahalaga ang timing, tono, at empatiya, lalo na kapag galing ito sa mga nasa posisyon ng kapangyarihan.
“But just because I also know the secretary, hindi mga maluluho na tao ‘yan, hindi mga lutang, etc.,” dagdag pa niya, at paliwanag na maaaring hindi naiintindihan ang layunin ng pahayag. “I think she was trying to convey na after looking at the list, even if you have P500 — [though] many people don’t have 500 — kahit papano, you can share a meal together.”
Nagbigay rin ng pananaw si Boy Abunda, na ayon sa kanya, lampas sa sensitivity ang problema, at nakadepende sa mas malawak na konteksto ng lipunan. “Even the sensitivity point to me is something debatable. But the times kasi e. Paano mo ko sasabihan na kasya ang limandaang piso para sa Noche Buena e nakakakita ako ng mga ninanakaw na pera sa isang mesa, nakakakita ako ng mga male-maleta [na pera],” sabi niya, na nagpapakita ng galit at frustrasyon dulot ng hindi pagkakapantay-pantay at katiwalian.
Sa pagtatapos ng talakayan, ibinahagi ni Cayetano ang kanyang malalim na pagbubulay-bulay para sa Kapaskuhan, naka-sentro sa mensahe niyang “RE.” “Christmas message ko is ‘RE.’ Let’s repent, let’s have a recollection, let’s redeem,” ani Cayetano, at ipinaliwanag na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagninilay at hindi sa mga slogan. “You have to revise… you have to recollect… you have to redeem it.”
Para sa senador, ang Pasko ay panahon din ng katahimikan at malinaw na pag-iisip sa gitna ng gulo at kontrobersiya. “So etong Pasko, it’s also about quietness, peace, thinking ano bang vision,” dagdag pa niya, bago hilingin sa mga manonood na magkaroon ng makabuluhang Kapaskuhan kasama ang pamilya at pagtuunan ng pansin ang kabutihan ng Diyos sa kanilang buhay.
‘CIA with BA,’ na pinangungunahan nina Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Pia Cayetano, at Boy Abunda, ay mapapanood tuwing Linggo, alas-11 ng gabi sa GMA

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento