Paputok, brownout sa buong lugar ang idinulot! Sino ang mananagot?
Muling naging sentro ng talakayan sa segment na “Tanong ng Pilipino” ng CIA with BA ang isang viral video. Makikita sa video ang isang tao na nagpaputok ng firecrackers na tumama sa poste ng kuryente, dahilan upang pumutok ang wire at magdulot ng pagkawala ng kuryente sa buong lugar.
Unang tanong ng marami: sino ang may pananagutan sa nangyari?
“Syempre ‘yung nagsindi ng paputok,” diretsahang sagot ni Atty. Marian Cayetano.
Paliwanag pa niya, “Kung sino man po kasi ‘yung tao na nakapinsala, civilly liable kasi siya sa ating batas base sa konsepto natin ng quasi-delict. So ‘yung tao na ‘to na nakaperwisyo, obligado siyang magbayad ng danyos sa mga naperwisyo niya.”
Sumunod na nagtanong si Boy Abunda: “Ano ang pwedeng ikaso [do’n] sa nagpaputok ng fireworks?”
Ayon kay Atty. Matt Cesa, “Ang criminal law naman kasi, not necessarily lahat with intent. So meron nga tayong tinatawag na quasi-delicts.”
Dagdag pa niya, “So dito, ang tinitignan ay ‘yung negligence nung tao. In this case, pwede siyang maging liable sa reckless imprudence resulting in damage to property.”
Pinaliwanag naman ni Atty. Mark Devoma na kung may nasaktan sa insidente, maaaring mauwi ito sa kasong reckless imprudence resulting in physical injury, at reckless imprudence resulting in homicide naman kung may nasawi.
“To clarify lang din, ‘pag kinasuhan siya—for example naka-damage siya ng property tapos may nasugatan pa—isang kaso lang ‘yon. Pagsasamahin mo siya, because the act of lighting a firecracker is one act resulting to multiple crimes or offenses. Otherwise, double jeopardy would apply,” paglilinaw pa niya.
Sa huli, paalala ng mga abogado na maging maingat at responsable sa paggamit ng paputok, lalo na’t panahon ng pagdiriwang kung kailan mas tumataas ang insidente ng aksidente. Kahit walang intensyon, ang kapabayaan ay maaari pa ring humantong sa pananagutang sibil at kriminal.
Pinangungunahan nina Senator Alan Peter Cayetano, Senator Pia Cayetano, at Tito Boy, ang CIA with BA ay napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento