CIA WITH BA: PALAY SA KALSADA, PINARKINGAN! SINONG MAY KASALANAN?

CIA with BA’: Palay sa kalsada, pinarkingan! Sinong may kasalanan?

Umani ng matinding reaksyon online ang viral video kung saan makikitang pinarkingan ng isang kotse ang mga palay na pinapatuyo sa kalsada, na nauwi sa mainit na pagtatalo ng mga sakay ng sasakyan at ng magsasaka.

Ang insidente ay tinalakay sa segment na ‘Tanong ng Pilipino’ ng CIA with BA.

Giit ng magsasaka, kabuhayan niya ang palay at wala siyang ibang mapagpatuyuan.

Ngunit ayon kay Atty. Marian Cayetano, malinaw ang batas.

“Meron talaga tayong batas na nagbabawal sa pagpapatuyo ng kahit anong ani or crops, so kasama na po ‘yung palay,” aniya, kaugnay ng DPWH Department Order No. 73 Series of 2014.

Dagdag pa niya, delikado at sagabal sa daloy ng trapiko ang ganitong gawain.

“Kasi makaka-obstruct po ng daanan. Ang kalsada natin, para talaga ‘yan sa motorista,” babala ni Atty. Marian, na nagsabing maaari rin itong humantong sa aksidente at paglabag sa batas-trapiko.

Gayunman, iginiit niya na hindi dapat mawala ang malasakit.

“Legally, may right ‘yung motorista, pero hindi naman masama na maging compassionate,” ani niya, sabay paalala na iwasan ang pagparada sa mga lugar kung saan may nagpapatuyong palay.

Para kay Boy Abunda, mas malalim ang problema at kailangang tugunan ng pamahalaan.

“Wala ho kasing space na pwedeng gamitin ng mga magsasaka,” aniya, na nanawagang tingnan ito ng mga lokal na pamahalaan mula sa pananaw ng mga magsasaka.

Sa huli, binigyang-diin ng CIA with BA na bagama’t malinaw ang batas, mas maiiwasan ang sigalot kung sasabayan ito ng pag-unawa at konkretong solusyon mula sa pamahalaan.

Ang CIA with BA ay napapanood tuwing Linggo, alas-11 ng gabi sa GMA7.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento