CIA WITH BA : MAY PROGRAMA PARA KILALANIN ANG SKILLS NG MGA OFW'S ABROAD

CIA with BA’: TESDA, may programa para kilalanin ang skills ng mga OFWs abroad

Sa patuloy na pag-angat ng antas ng kaalaman at kakayahan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), isang tanong ang umalingawngaw sa episode ng ‘CIA with BA’ — maaari bang pormal na kilalanin dito sa Pilipinas ang mga natutunan nila sa ibang bansa? Ito ang tanong ni Annie, isang OFW sa Hong Kong, na nagsusumikap mag-aral tuwing day-off upang mapaunlad ang sarili at makapaghanda sa muling pagbabalik sa piling ng pamilya at bayan.

“Sa kasalukuyan po, kami po ay nag-aaral dito tuwing day-off po namin. Gusto na rin po naming makasama ang aming mga pamilya, mga mahal sa buhay at makatulong na rin sa ating bansa,” wika ni Annie, na sampung taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong.

Sa kanyang pagtatanong, inilahad niya ang pagnanais ng maraming OFW na magkaroon ng pagkilala sa kanilang mga natutunan sa labas ng bansa.

“Mayroon po bang equivalent program or ma-credit po ba ng TESDA ang mga pinag-aaralan po namin dito tulad po ng fire safety, food safety and food hygiene, computer literacy, basic first aid and child development and care?” tanong niya.

Sa tulong ng legal team ng programa, ipinaliwanag ni Atty. Bernadette Maybituin na mayroong programa ang TESDA para sa mga OFW na tulad ni Annie.

“Tama po na may programa ang TESDA para sa OFWs na katulad ninyo. Ito po ang recognition of prior learning or RPL, alinsunod sa TESDA Circular 09 Series of 2021,” ani Atty. Maybituin.

“Ayon sa circular na ito, maaari ninyong ipa-certify ang inyong mga training o kakayanan, kahit ito pa ay natutunan niyo sa ibang bansa,” dagdag niya.

Ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ay isang ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng technical-vocational education and training (TVET) sa mga Pilipino. Sa pamamagitan ng Recognition of Prior Learning (RPL), binibigyang daan nito ang mga skilled workers, kabilang ang mga OFW, na makakuha ng National Certificate (NC) batay sa kanilang kaalaman at karanasan — pormal man o impormal — na nakuha sa trabaho o mga training, kahit sa ibang bansa.

Ang episode ay patunay sa layunin ng ‘CIA with BA’ — na suportahan ang mga kababayan nating nasa ibang panig ng mundo, at bigyang-linaw ang mga isyung legal at praktikal na may kinalaman sa kanilang kinabukasan.

Ang ‘CIA with BA’ ay napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, hosted nina Senators Alan at Pia Cayetano, at King of Talk Boy Abunda.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento