'CIA with BA' sa Easter Sunday: Maaari bang magsimula muli ang mga dating nagkasala?
Ang Easter ay panahon ng pag-asa at bagong simula, at bilang pagdiriwang, tinalakay ng ‘CIA with BA’ ang mga tanong ng mga manonood tungkol sa mga pangalawang pagkakataon sa “Tanong ng Pilipino” na segment.
Isang manonood mula sa Bagac, Bataan ang nagtanong: “Nakulong po ako dati pero gusto ko nang magbagong-buhay. Pwede po ba akong makahanap ng trabaho?”
Sa sagot nii Atty. Mike Cesa, binigyang linaw niya na ang batas ay sumusuporta sa pantay-pantay na oportunidad sa trabaho para sa lahat.
“Yes, pwede ka namang makahanap ng trabaho. Actually, ‘yung Constitution natin and ‘yung Labor Code, they both promote full employment and equal opportunities for all,” aniya.
“As long as qualified ka sa trabaho na ina-applyan mo... As long as na-serve mo na ‘yung sentence mo, ibig sabihin ready ka nang bumalik,” dagdag niya.
Isang manonood mula sa Carcar, Cebu naman ang nagtanong: “May record po ako ng pagnanakaw noong menor de edad ako pero na-acquit naman. Lalabas pa po ba ito sa NBI clearance ko?”
Ipinaliwanag ni Atty. Cesa na kung ang isang tao ay na-acquit, ibig sabihin nito ay napatunayan na siya ay walang sala.
“Considering na acquitted ka, ibig sabihin kasi no’n wala kang sala... na it’s as if wala ka talagang kaso,” paliwanag ng legal expert.
Dagdag pa niya na hindi na dapat lumabas ang kaso sa NBI clearance. Pero kung sakaling lumabas pa rin, “pwede mong dalhin sa NBI ‘yung certificate of finality... saka ‘yung copy ng decision na ina-acquit ka na.”
Sa pamamagitan ng mga real-life questions na ito, binigyang-diin ng CIA with BA na posible ang legal na pagbabalik-loob at bagong simula — na kumakatawan sa tunay na kahulugan ng Easter.
Sa pangunguna nina Senator Alan Peter Cayetano at ng King of Talk na si Boy Abunda, ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy ng legacy ng yumaong Senator Rene Cayetano at umaere tuwing Linggo ng alas-11:00 ng gabi sa GMA7, at may replay sa GTV tuwing Sabado ng 10:30 ng gabi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento