CIA with BA’: Anak, pinalayas ng stepdad; ina, naiipit sa alitan!
Sa Mother’s Day episode ng ‘CIA with BA,’ tampok ang kwento ng mag-ina na sina John Paul at Nanay Aileen.
Nagreklamo si John Paul tungkol sa umano’y pagpapalayas sa kanya ng kanyang stepdad at ang pakiramdam niyang hindi siya kinampihan ng kanyang ina.
Kwento ni John Paul, tila palaging panig si Nanay Aileen sa kanyang asawa at mga kapatid sa ina.
Nag-umpisa siya sa isang relasyon kasama ang kanyang partner, ngunit nang mawalan siya ng trabaho, nagdesisyon siyang bumalik sa bahay ng kanyang ina. Pero hindi nagtagal, nagkaroon sila ng matinding tensyon na nauwi sa sagutan.
Paliwanag ni Nanay Aileen, nais na niyang bumukod si John Paul dahil nasa hustong edad na siya. Ayon sa kanya, nahirapan siyang mamagitan sa alitan sa pagitan ng kanyang anak na lalake, mga anak na babae, at ang asawa niya. Dumating pa nga sa puntong pinapapili siya ng kanyang asawa kung sino ang mas mahalaga sa kanya.
Sa kanilang paghaharap sa programa, na-realize ni John Paul na may pagkukulang din siya at humingi ng tawad kay Nanay Aileen.
Nagbigay din ng legal na paliwanag si Senador Alan Peter Cayetano tungkol sa obligasyon ng magulang sa kanilang mga anak, at nilinaw na may hangganan ito sa edad 18.
“Obligasyon ng parents—ng nanay at tatay—suportahan ang kanilang mga anak: edukasyon, pagkain, kalusugan… In fact, makakasuhan ng child abuse [ang magulang] kapag may winithold ka, halimbawa hindi mo pinabakunahan o kaya pinalo mo nang masyadong masakit na na-injure,” aniya.
“Having said that, hindi walang hangganan ‘yon. ‘Pag 18 ka na, pwedeng ituloy ‘pag nag-aaral ka pa pero technically kasi, ‘pag 18 ka na, tao ka na,” dagdag ni Kuya Alan.
Bilang bahagi ng tulong ng CIA with BA, nangako ang programa na susuportahan ang kanilang kabuhayan, pero nais nila munang makita na magkaayos ang mag-ina upang magpatuloy ang tulong.
Kasama ng King of Talk na si Boy Abunda, ipinagpapatuloy ni Kuya Alan sa ‘CIA with BA’ ang adbokasiya ng yumaong ama, Senador Rene Cayetano. Napapanood ito tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento