CIA with BA’: Pambansang Awit, bawal i-translate?
Sa pagbabalik ng CIA with BA sa Hong Kong, ilang katanungan mula sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang binigyang-linaw ng programa, kasabay ng nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Isa sa mga tanong ay mula kay Gemma, isang OFW: “May legal po ba tayong obligasyon na kantahin ang ating National Anthem dito sa Hong Kong?”
Ayon kay Atty. Mark Demova, “'Pag sinabi kasi nating obligasyon, may kaakibat na parusa kung hindi mo gawin ‘yung obligasyon na ‘yon. May liability. In that sense, wala po.”
Paliwanag pa ni Demova, “Ang jurisdiction ng Philippine government o mismong estado ng Pilipinas ay nasasaklaw sa kanyang teritoryo lang. Pero ang pagiging Pilipino naman natin ay hindi natitigil sa Pilipinas lang. Pagpunta natin sa ibang bansa, Pilipino pa rin naman tayo at bilang pagpapakita ng galang at respeto sa ating national symbols tulad ng National Anthem, National Flag… nararapat lang din naman na tumayo tayo at magbigay ng respeto whenever our National Anthem is sung or whenever the flag is being raised.”
Samantala, isa pang tanong ni Gemma ang naging sentro ng usapan: “Pwede po ba naming kantahin ang Pambansang Awit sa lenggwahe ng mga taga-Hong Kong?”
Diretsong sagot ni Atty. Matt Cesa: “The answer is ‘no.’ Ang National Anthem natin, even within or outside the Philippines, it should be sa language natin. Hindi pwedeng ibahin ‘yon.”
Bukod sa mga tanong tungkol sa pag-awit ng Pambansang Awit, may isa pang katanungan mula kay Donalyn: “Pwede bang magsuot ng damit na may design ng Philippine Flag?”
Ayon kay Atty. Mark Demova, “Hindi pwede. Sa ilalim ng ating Flag and Heraldic Code of the Philippines, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot ng Philippine Flag as a costume or part of an apparel, except when inspired lang by a Philippine Flag.”
Dagdag pa ni Atty. Matt Cesa, “Ang intention noong ginawa ‘yung law ay para maiwasan ang pag-disrespect sa flag. Pero ngayon kasi ginagamit na ‘yung flag to boost the country.”
Sa pamamagitan ng CIA with BA, patuloy ang pagbibigay-kaalaman sa mga kababayan natin sa ibang bansa — hindi lang tungkol sa batas, kundi pati na rin sa kahalagahan ng pagkilala at paggalang sa ating pambansang simbolo, saan mang panig ng mundo.
Sa pangunguna nina Senador Alan Peter Cayetano at King of Talk na si Boy Abunda, ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ang adbokasiya ng yumaong Senador Rene Cayetano. Mapapanood ang programa tuwing Linggo ng gabi, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento