Babaeng may dalawang birth certificate, humingi ng ‘Payo ni Kuya Alan’
Isang babae ang dumulog sa programang ‘CIA with BA’ upang humingi ng ‘Payo ni Kuya Alan’ kung ano ang dapat niyang gawin sa pagkakaroon ng dalawang birth certificate.
Kwento ni Keiko, mula pagkabata hanggang sa siya’y makapagtapos at makapagtrabaho, ang ginagamit niyang apelyido ay ang sa kanyang ina.
Bago mag-pandemya, sinubukan niyang kumuha ng PSA-authenticated birth certificate, ngunit ang naibigay sa kanya ng ahensya ay nasa apelyido na ng kanyang ama.
Maraming ginawa at nilapitan si Keiko para ayusin ang sitwasyon, pero halos iisa ang sagot—kailangang idaan ito sa korte.
Aniya, “Gusto ko pong ma-retain ‘yung [apelyido ng nanay ko] hindi lang po dahil ‘yun na ‘yung nakasanayan ko, kundi gusto ko rin po ito ilaban para sa kanya dahil eversince po talaga, siya ang nagtaguyod sa akin, nagpa-aral, lahat lahat.”
Ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, ang mabuting balita ay may simpleng legal na paraan para maresolba ang kaso ni Keiko.
“There is a simple legal remedy,” paliwanag niya. Gayunpaman, kailangan pa rin itong dumaan sa korte kaya’t mangangailangan ito ng panahon at gastos.
“But of course, we’re here not to just give you legal advice but to assist. Hahanap tayo ng partners natin na pwedeng mag-draft at tumulong mag-file,” dagdag niya.
Ipinaliwanag pa niya na, “Until a few years or a decade ago, marami tayo talagang mga kababayan na walang birth certificate. May effort talaga na ayusin ‘yung birth certificate ng bawat isa.”
“Ang nangyari in your case, if I’m not mistaken, is that meron kang original birth certificate. Pero may nag-advise siguro na mag-file ka ng late registration, so pangalawa ito,” aniya pa.
Dagdag ni Sen. Cayetano, nagkaroon ng memo na nagsasabing kailangang i-cancel ang anumang pangalawang birth certificate kung hindi naman na-annul ang una.
“Sa’yo, ang solution is to file the case for the change of name. When you change your name, you have to have a good reason, and your reason is a good reason, walang magda-doubt no’n, so it’s a matter of time and getting it done,” pagtatapos niya.
Hinangaan din ni Senador Alan ang determinasyon ni Keiko na parangalan ang kanyang ina at ang malinaw nitong pagpapahayag ng kanyang saloobin.
“Kung lahat ganyang mag-explain, sorry pero hindi na natin kailangan ng Mariteam sa segment,” biro pa ni Kuya Alan.
Kasama ang multi-awarded TV host na si Boy Abunda, pinangungunahan ni Alan ang ‘CIA with BA’ bilang pagpapatuloy ng adbokasiya ng kanyang yumaong ama na si Senador Rene Cayetano. Napapanood ito tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento