FRIENDS WITH BENEFITS : KARAPATAN NG KAIBIGAN TINALAKAY SA CIA WITH BA

‘Friends with benefits?’: Karapatan ng kaibigan, tinalakay sa ‘CIA with BA’

Sa isang makabuluhang episode ng CIA with BA, tinalakay sa segment na Tanong ng Pilipino ang mga tanong tungkol sa karapatan ng mga kaibigan—lalo na sa pagiging beneficiary at paghingi ng referral bonus.

Nagtanong si KC mula Sampaloc, Manila: “Pwede ko bang gawing beneficiary sa SSS (Social Security System) ang matalik kong kaibigan kahit may mga magulang at kapatid naman ako?”

Sumagot si Atty. Rafael Rivera na maaari pero may hangganan ayon sa batas: “Opo. Pwede mong gawing beneficiary ang iyong kaibigan ngunit ika-classify siya ng batas bilang secondary beneficiary. Ibig sabihin nito, pagka wala ‘yung nanay, tatay, asawa o anak, saka lang siya magkakaroon ng karapatan bilang beneficiary, in their absence.”

Nag-follow up si Boy Abunda sa isang tanong: “Halimbawa, in a situation kung saan galit o kaya’y may tampuhan, o ‘di kaya’y may circumstance na hindi niya kasundo itong mga sinabi mo—nanay, tatay… hindi pa rin pwede ‘yung kaibigan maging primary beneficiary?”

“Ito po ay hindi pwede,” malinaw na tugon ni Atty. Rivera. “Dahil ‘yung ginamit na salita ng batas ay, ‘in their absence.’”

Nagtanong naman si Ginny mula Cabanatuan City: “Kaibigan ko ang tumulong sa ’kin maghanap ng trabaho. May legal basis ba siya kung sakaling hingian niya ako ng referral bonus?”

Ipinaliwanag ni Atty. Marian Cayetano na ang referral bonus ay isang kontraktwal na obligasyon kaya hindi ito awtomatiko. “Yung referral bonus, it’s a contractual obligation so hindi po ito automatic. Ibig sabihin, pwedeng may prior na agreement kayo—pwedeng verbal o pwede ring written. Dapat po malinaw na ganon’ na, ‘Okay! ‘Pag naipasok kita ng trabaho, bibigyan mo ko ng porsyento.’ At pumayag po ‘yung isang partido,” ani niya.

Pinaliwanag pa niya, “Pag ganon po, may obligasyon talaga na magbigay [siyang] ng referral bonus sa isa niyang kaibigan.”

Muling pinaalala ng CIA with BA na mahalaga ang pagkakaibigan sa kulturang Pilipino, ngunit sa usapin ng benepisyo at pera, kinakailangan ng malinaw na kasunduan o dokumentasyon upang makilala ang karapatan.

Kasama si Tito Boy, pinangungunahan ni Senador Alan Peter Cayetano ang CIA with BA, na ipinagpapatuloy ang legacy ng kanyang yumaong ama na si Sen. Rene “CompaƱero” Cayetano. Napapanood ang programa tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento