Magkaibang laban ng mga ina, tampok sa ‘CIA with BA’
Dalawang ina, dalawang magkaibang pakikibaka – ang isa ay lumalaban para sa legal na pag-iingat ng anak, ang isa naman ay naghahangad ng matagal nang pagsasama – ang tampok sa nakaraang episode ng ‘CIA with BA.’
Si Pau, isang single mom, ay dumulog sa segment na ‘Tanong ng Pilipino’ upang itanong ang tungkol sa karapatan ng magulang sa anak.
“Pwede bang nanay lang ang maging sole guardian ng anak niya kahit na nasa birth certificate naman ng bata ang pangalan nung tatay?” pagbasa ni host Boy Abunda.
“Ang sagot po ay depende sa estado ng nanay at tatay,” paliwanag ni Atty. Mark Devoma. “Kung kasal po ang nanay at tatay nung bata, as a rule po, sila ang mag-e-exercise ng parental authority jointly.”
Dagdag pa niya, “Mangyayari lang po na magkakaroon ng sole parental authority ang nanay kung ang bata po ay non-marital child o pinanganak siya outside the marriage of the parents. Do’n lang po ang pagkakataon na may sole parental authority ang isang nanay.”
Samantala, sa segment na ‘Aksyon Agad,’ muling nagkaisa ang isang ina at ang kanyang kambal na anak matapos ang 11 taon na pagkakalayo.
“Pinakupkop ko po sila sa nanay ko dahil sa hirap po ng buhay, palipat-lipat po kami ng tirahan, tapos ‘yung asawa ko nagloloko,” kwento ni Gina.
Dahil sa Zamboanga pa nakatira ang kanyang mga magulang, doon dinala ang kambal upang alagaan. Sa kabila ng hirap sa buhay at walang permanenteng tirahan, tanging mga larawan lang ang paraan niya para makita ang mga anak.
Ngunit dahil sa programa, natupad ang matagal nang pangarap ni Gina – ang muling makita sina Cedric at Cerio, kasama ang kanyang ama. Ito rin ang unang pagkakataon na nakilala ng kambal ang kanilang iba pang mga kapatid.
“Sorry kung napalayo sila [sa isa’t-isa] dahil sa kahirapan ng buhay,” ani Gina, nangako na sisimulan na nilang muli ang buhay bilang isang buo at masayang pamilya.
Ang dalawang kwento – isa tungkol sa legal na paglilinaw, isa naman sa emosyonal na pagkikita – ay nagpapakita ng iba’t ibang mukha ng pagiging ina sa Pilipinas. Sa paghahanap ng karapat-dapat na awtoridad o sa pangarap ng muling pagkikita, pinapaalala ng mga inang ito na ang pagmamahal, sakripisyo, at determinasyon ay nananatiling puso ng bawat paglalakbay ng magulang.
Pinangungunahan nina Senador Alan Peter Cayetano at Tito Boy, ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ang adbokasiya ng yumaong Senador Rene Cayetano. Mapapanood ang programa tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento