MGA TANONG NG MALILIIT NA NEGOSYANTE BINIGYANG-LINAW SA CIA WITH BA

Mga tanong ng maliliit na negosyante, binigyang-linaw sa ‘CIA with BA’

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Micro, Small, and Medium Enterprise Development (MSMED) Week ngayong Hulyo, tinalakay ng ‘CIA with BA’ ang mga isyung mahalaga para sa mga maliliit na negosyante at sa mga nangangarap magsimula ng sariling negosyo. Sa segment na ‘Tanong ng Pilipino,’ sinagot ng programa ang ilang katanungan kaugnay ng tax exemptions at mga patakaran sa pasahod.

Tanong ni Ivan na mula sa San Juan, Batangas, maaari bang ma-exempt sa income tax ang isang maliit na negosyo sa barangay.

Ayon kay Atty. Rafael Rivera, posible ito ngunit may mga kailangang sundin. “Tama. Totoo na pwede kang ma-exempt ngunit kailangan mong kumuha ng certificate of authority [mula] sa LGU mo,” ani Rivera.

Ipinaliwanag niyang kabilang ang mga barangay enterprises sa mas malawak na kategoryang MSMEs (micro, small, and medium enterprises). “Basically, meron tayong tinatawag na micro, small, medium enterprises (MSME)… pwede silang pumunta sa LGU nila, hihingi sila ng exemption...” dagdag pa niya. Ngunit upang maging kwalipikado, ang total assets ng negosyo ay dapat hindi lalampas sa Php 3 milyon, hindi kasama ang lupa.

Gayunman, nilinaw ni Rivera na ang exemption ay para lamang sa income tax. “Exempted ka sa income tax sabi ng batas, pero ‘yun lang ‘yon,” aniya. Maaaring may iba pa ring kailangang bayarang buwis gaya ng percentage tax o value-added tax (VAT), depende sa negosyo.

Tanong naman ni Armelyn ng Quezon Province, legal ba para sa isang barangay micro business enterprise (BMBE) na magpasahod ng mas mababa sa minimum wage. Ayon kay Atty. Marian Cayetano, pinapayagan ito sa ilalim ng batas basta’t natutugunan ang ilang kondisyon.

“Allowed ang mga micro business enterprises na magpasahod ng mas mababa sa itinakda ng ating minimum wage law,” ani Cayetano. Gayunpaman, binigyang-diin niyang dapat ay rehistrado ang negosyo sa LGU at may Certificate of Authority.

Dagdag pa ni Cayetano, kahit mababa ang pasahod, kailangang ibigay pa rin ang mga benepisyong itinatakda ng gobyerno. “Provided po na nabibigyan nila ng government-required benefits katulad ng SSS, PhilHealth...” paalala niya, bilang proteksyon pa rin sa mga manggagawa.

Sa pagbibigay-linaw sa mga tanong na ito, patuloy ang ‘CIA with BA’ sa pagbibigay ng mahalagang impormasyon at serbisyo publiko para sa mga maliliit na negosyante. Hinihikayat ng programa ang mga manonood na maging mas maalam at samantalahin ang mga programang handog ng pamahalaan para sa mga MSMEs.

Sa pangunguna nina Senador Alan Peter Cayetano at ni Tito Boy, ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ang adbokasiya ng yumaong Senador Rene Cayetano. Mapapanood ang programa tuwing Linggo ng gabi, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento