CIA WITH BA : EX NA MAY UTANG PUWEDE BANG KASUHAN?

CIA with BA’: Ex na may utang, pwede bang kasuhan?

Kapag pera ang usapan, lalo na kung may kinalaman sa isang taong naging bahagi ng iyong nakaraan, mabilis itong maging komplikado.

Sa nakaraang episode ng CIA with BA, isang viewer mula Plaridel, Bulacan, ang dumulog kung maaari ba siyang magsampa ng kaso laban sa kanyang ex na may utang sa kanya pero ayaw magbayad.

“Pwede ko po bang kasuhan ang ex ko na may utang sa akin pero ayaw magbayad? Anong kaso po ang maaari kong isampa laban sa kanya?” tanong ni Kath.

“Well, magdedepende sa amount nung utang, e. Naturally, pwede mo namang kasuhan, syempre may utang siya, kailangan bayaran,” sagot ni Atty. Matt Cesa.

Ipinaliwanag niya na kung mas mababa sa Php 1 milyon ang halaga, mas mabilis ang proseso sa pamamagitan ng small claims court.

“Ito ‘yung dinidiscuss natin lagi, ‘yung small claims. Hindi naman siya administrative pero mas madali kasi sa small claims, ikaw na mismo ‘yung magfi-full up. May form ‘yon usually sa hall of justice ta’s wala nang lawyer ‘yon, kayo na lang dalawa—kung sino ‘yung may utang at [nagpautang],” paliwanag niya.

Kung lampas Php 1 milyon naman, sa regular courts na ito isinasampa, at mas matagal ang proseso.

“’Pag above Php 1 million, sa regular courts ka na. Medyo matatagalan ka na rin,” dagdag ng legal expert.

“Ang leksyon, kapag pera ang pinag-uusapan, dapat napaka-maingat natin,” ani host Boy Abunda, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging maingat sa pagpapautang.

Sa huli, nagsilbing paalala ang talakayan na bagama’t may mga legal na paraan para mabawi ang perang inutang, mas mabuti pa ring iwasan ang ganitong sitwasyon. Ang pagkakaroon ng malinaw na kasunduan at pag-alam sa iyong karapatan ay makakatulong upang maiwasan ang stress at sakit ng loob—lalo na kung ang may utang ay isang taong minsang naging malapit sa’yo.

Ang ‘CIA with BA’ ay pinangungunahan nina Tito Boy at Sen. Alan Cayetano. Ipinagpapatuloy ng programa ang legasiya ng yumaong Sen. Rene “CompaƱero” Cayetano. Napapanood ang programa tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento