‘CIA with BA’: Pwede bang magsumbong sa DOLE kahit ‘di pa regular?
Karaniwang tanong ng mga bagong pasok sa trabaho kung may karapatan na ba sila kahit hindi pa regular. Madalas kasi, iniisip ng mga fresh graduates at on-the-job employees na wala silang laban hangga’t hindi pa sila nare-regular. Pero totoo ba ito ayon sa batas?
Sa episode ng “CIA with BA,” tampok sa segment na Tanong ng Pilipino ang tanong ni Luis mula Sta. Mesa, Manila.
Aniya: “Bagong graduate ako at first job ko itong trabaho ko ngayon. Totoo bang wala akong karapatang magsumbong sa DOLE kung hindi pa ako regular?”
Diretsahang sinagot ito ni Atty. Marian Cayetano: “Hindi po totoo na porke hindi kayo regular, hindi na kayo pwedeng magsumbong sa DOLE.”
Ipinaliwanag niya na lahat ng manggagawa — regular man o probationary — ay may mga karapatang protektado ng batas.
“Para mas malinaw, lahat ng manggagawa, whether regular o hindi regular, may mga karapatan pong protektado ng ating batas,” ani Atty. Marian.
Kabilang dito ang tamang pasahod, overtime pay, proteksyon laban sa diskriminasyon at harassment, at ang pagkakaroon ng ligtas at maayos na lugar ng trabaho. “Isa sa mga karapatan na ‘to, of course, ‘yung tamang pagpapasweldo, or dapat nababayaran sila ng OT (overtime), or hindi sila pwedeng madiskrimina o ma-harass sa kanilang trabaho, or dapat safe and healthy ‘yung working environment nila,” dagdag pa niya.
Binilin din niya na hindi dapat makaramdam ng kawalan ng lakas ang mga bagong graduate o probationary employees.
“So ‘pag ganon po, hindi po ibig sabihin na [kapag] bagong graduate, hindi pa regular, hindi na sila protektado ng batas at wala silang magagawa, so pwedeng-pwede magsumbong sa DOLE,” giit ni Atty. Marian.
Ang diskusyong ito ay nagsilbing paalala para sa mga kabataan at bagong salta sa mundo ng trabaho: mula unang araw pa lang, may karapatan na sila. At kung may paglabag sa mga ito, may DOLE na handang pakinggan at umaksyon.
Ang ‘CIA with BA’ ay pinangungunahan nina Sen. Alan Cayetano at award-winning host na si Boy Abunda. Ipinagpapatuloy ng programa ang legasiya ng yumaong Sen. Rene “CompaƱero” Cayetano. Napapanood ang programa tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento