Right of way, pwede bang hingin sa nagbenta ng lupa?
Isa sa mga karaniwang problema ng mga bumibili ng lupa sa Pilipinas ay ang kawalan ng direktang daan patungo sa pampublikong kalsada. Itong isyu na madalas na hindi nabibigyang pansin sa oras ng bentahan ay tinalakay sa kamakailang episode ng ‘CIA with BA.’
Sa segment na ‘Tanong ng Pilipino,’ nagtanong si Marlyn, 49 anyos mula sa Las Piñas City: “Pinagbentahan ako ng lupa na napapagitnaan ng ibang property nung nagbenta sa akin. Pwede po ba akong mag-demand ng right of way sa nagbenta ng lupa sa akin para naman may daan ako palabas sa public road?”
Si Senator Alan Peter Cayetano mismo ang tumugon sa tanong at nagbigay-linaw sa konsepto ng right of way ayon sa batas.
“In all cases kasi, pwede kang magkaroon ng right of way,” panimula niya.
Ipinaliwanag niya na kung ang lupa ay napapalibutan ng ibang ari-arian na hindi pagmamay-ari ng nagbenta, maaaring humiling ng right of way ang buyer pero may bayad ito. “Kung ang property na binili mo ay pinaligiran ng lupa na iba ang may-ari, hindi ‘yung nagbenta sa ‘yo, then pwede kang humingi ng right of way pero magbabayad ka.”
Ngunit kung ang nagbenta ay siya ring may-ari ng mga katabing lupa, ibang usapan ito. “Pero kung ang nagbenta sa ‘yo, siya rin ‘yung may-ari nung mga lupa na [nakapaligid] sa lupa mo, hindi mo kailangan magbayad ng right of way.”
Dagdag pa ni Cayetano, sa pagpili ng daan, “ang pipiliin na daan diyan, ‘yung daan na least na nakakaperwisyo don sa katabi mong lupa.”
Nang tanungin kung may remedyo ba para sa ganitong sitwasyon, kumpirmado ang sagot niya: “Yes, pero ‘yun nga, mas maganda kung bago binili, nagkaroon ng [kalinawan] na kasi nga ‘yung delay at saka ‘yung usapang [kung] magkano, saan dadaan, medyo mabusisi ‘yan.”
Binigyang-diin sa segment ang kahalagahan ng maayos na pagsusuri bago bumili ng lupa — lalo na ang pagtitiyak na may malinaw at legal na access patungo sa pampublikong daan. Makakaiwas ito sa abala at posibleng pagtatalo sa hinaharap.
Kasama ang award-winning TV host na si Boy Abunda, pinangungunahan ni Kuya Alan ang ‘CIA with BA,’ na ipinagpapatuloy ang legacy ng kanyang yumaong ama na si Sen. Rene “Compañero” Cayetano. Napapanood ang programa tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento