PUWEDE BANG IDEMANDA ANG GOBYERNO DAHIL SA HINDI NATAPOS NA DRAINAGE PROJECT?

Pwede bang idemanda ang gobyerno dahil sa hindi natapos na drainage project?

Mga butas na iniwan ng drainage project, mga batang nahuhulog, at mga opisyal na mabagal kumilos — sino ang dapat managot?

Ito ang nakakabahalang realidad na tinalakay sa Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA), kung saan tinanong ng mga residente kung maaari nga bang idemanda ang gobyerno dahil sa mga iniwang butas na patuloy na nagdudulot ng peligro.

Dumulog si Cherielyn matapos mahulog ang kanyang walong taong gulang na anak sa isang malaking butas na iniwan ng drainage project sa kanilang lugar. “Bigla po siyang tinulak. ‘Di ko naman po masisisi kasi 5 years old pa lang po ‘yon. So nahulog po ‘yung anak ko,” pagbabahagi niya.

Laking pasalamat niya na walang matutulis na bakal sa loob ng butas. “Buti na lang po ‘yung butas na ‘yon, wala po siyang bakal. Pinagpasensyahan ko po ‘yung bata pero sinabi po nung mga kapitbahay dun sa nanay,” dagdag pa niya.

Ilang araw ang lumipas, gumanti naman ang kanyang anak at itinulak ang mas batang kalaro sa parehong butas. Nag-ugat dito ang alitan sa pagitan ni Cherielyn at ng nanay ng bata, na lalong nagpatindi sa problema sa kanilang komunidad.

Hindi lang sila ang naapektuhan. “May nahulog na [ring] naka-bike. May nahulog nang bata na nagka-leptospirosis… Tapos may nahulog po na aso,” kuwento ni Cherielyn, na inaming wala pa ring aksyon kahit idinulog na nila sa barangay ang reklamo.

Ipinaliwanag ni Senador Alan Cayetano na malinaw sa batas na may pananagutan ang gobyerno sa ganitong kapabayaan. “Nasa batas ‘to mismo… pagka ganyan na may mga butas, mga manhole na naka-open, at meron naaksidente at kasalanan [ng gobyerno] kasi nga iniwan na bukas, pwede mong [idemanda] ‘yung gobyerno,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, kung proyekto ng barangay o lungsod, pananagutan ito ng LGU; kung national project naman, responsibilidad ito ng DPWH. Aniya, dapat magsilbing wake-up call ito sa mga opisyal para bigyan ng higit na pansin ang kaligtasan ng publiko.

Sa huli, nagbigay siya ng payo sa mga mamamayan: “At ang isa kong advice sa ating mga citizens, just be respectful pero i-post niyo rin [sa social media].”

Ang CIA with BA, na pinangungunahan nina Sen. Alan at Pia Cayetano kasama si Boy Abunda, ay napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento