TINAWAG KANG ‘BOBO’ SA GC, PWEDENG KASUHAN?
Hindi lahat ng alitan sa trabaho ay natatapos lang sa loob ng opisina — madalas, umaabot din ito online, lalo na sa mga group chat. Pero paano kung ang isyu ay nagiging personal at nakaka-offend? Pwede ka bang magsampa ng kaso kung ikaw ay ininsulto ng iyong katrabaho?
Ito ang concern ni Emilio mula Marikina na nagtanong sa segment na Tanong ng Pilipino ng Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA): “Nabasa ko po sa GC (group chat) na tinawag akong ‘bobo’ ng isa kong officemate dahil daw hindi ako magaling mag-English, kaya hindi ako mapromote-promote. Pwede ko po ba silang kasuhan?”
Ipinaliwanag ng legal expert na si Atty. Sari Reyes na may ilang kaso na maaaring isampa sa ganitong sitwasyon, ngunit isang partikular na remedyo ang tumutugma dito: libel, lalo na ang cyberlibel.
“Yes. Marami po tayong pwedeng ikaso pero in this case, ang gusto ko pong i-discuss ay libel, particularly cyberlibel, dahil nagawa po ito online,” ani Reyes.
Dagdag pa niya, kahit na sa group chat lang nasabi ang insulto, pasok pa rin ito sa requirement ng batas na tinatawag na publicity. “Although sa group chat po ito nasabi, meron pa rin pong publicity requirement na na-satisfy sa ating batas kasi meron po tayong Supreme Court case na sinasabi na basta merong ibang tao na makakita – na hindi siya ‘yung dapat makakita o ‘yung pinagsasabihan – already qualifies us for a public act.”
Ipinaliwanag pa ni Reyes ang iba pang elemento ng libel: dapat ito ay nakakasira ng reputasyon, malinaw na matukoy kung sino ang pinapatungkulan, at may paratang na krimen, bisyo, o kapintasan. Sa kaso ni Emilio, aniya, malinaw na present ang lahat ng elementong ito.
Nagbigay naman ng mas malawak na pananaw si Boy Abunda hinggil sa isyu.
Aniya, “Hindi po nangangahulugan na [dahil] marunong kang mag-Ingles, matalino ka, or hindi ka marunong mag-Ingles, hindi ka matalino. It doesn’t follow. Mahabang paliwanag po ito dahil may pagka-cultural. Kaya ‘wag nating isipin na ang kaisa-isang basehan ng pagiging matalino ay pagsasalita ng Ingles.”
Sa talakayang ito, muling ipinakita ng CIA with BA hindi lang ang mga legal na hakbang na maaari mong gawin sa panahon ng digital age, kundi pati na rin ang kahalagahan ng pagbuwag sa stereotype na ang talino ay nasusukat lang sa kahusayan sa pagsasalita ng Ingles.
Pinangungunahan ng magkapatid na sina Senador Alan at Pia Cayetano, kasama si Tito Boy, ang CIA with BA ay nagpapatuloy sa adbokasiya ng yumaong Senador Rene Cayetano. Mapapanood ito tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento