Viral couple sa EDSA, nagbukas ng usaping legal sa ‘CIA with BA’
Naging usap-usapan online ang isang viral video ng magkasintahang naglalakad sa EDSA—may mga natuwa, may mga nabahala. Ngunit lampas sa aliw o gulat, lumutang ang mas seryosong tanong: bawal ba talagang maglakad sa isa sa pinaka-abalang highway sa bansa? Ito ang naging sentro ng talakayan sa segment na Tanong ng Pilipino ng Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA).
Isang viewer ang nagtanong: Mayroon bang batas na tahasang nagbabawal sa mga tao na maglakad sa EDSA o iba pang major highway? Diretsong sagot ni Atty. Jackie Gan: hindi ito legal.
Ipinaliwanag niya na bagama’t malinaw na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang kalayaan ng bawat isa na makagalaw, may hangganan ito. “Meron po tayong mga batas na nagsasaad kung saan lang po pwedeng tumawid at maglakad,” giit ni Gan, at idinagdag na ang mga regulasyong ito ay para sa kaligtasan at kaayusan ng lahat.
Bilang tugon sa kakulangan ng ligtas na espasyo para sa mga pedestrian at siklista, binanggit din ni Gan na naghain si Senadora Pia Cayetano ng Senate Bill No. 24 o ang Walkable and Bikeable Communities Act. “Ito po ay naglalaan ng mga espasyo sa ating mga daan at kalsada… para po hindi na kinakailangang dumaan sa gitna [ng mga kalsada],” ani niya.
Pero kung bawal nga, anong kaso ang maaaring kaharapin ng mga naglalakad sa EDSA? Itinanong ito ni Boy Abunda at paliwanag ni Atty. Marian Cayetano: “Actually wala namang nakasulat sa MMDA regulation ngunit sa ating mga local ordinance sa buong Metro Manila, sinasabi na ‘pag naglakad ka sa EDSA, ito po ay jaywalking.”
Gayunpaman, binigyang-diin ng mga eksperto na hindi lang mga pedestrian ang may pananagutan. Ayon kay Atty. Mark Demova, may obligasyon pa ring mag-ingat ang mga driver kahit malinaw na mali ang pedestrian. “Mali naman talaga ‘yung ginawa nila pero… it doesn’t mean na tayo bilang mga driver ay hindi na mag-e-exercise ng due diligence.”
Dagdag pa niya, kapag hindi isinagawa ng driver ang tamang pag-iingat, maaari itong humantong sa mabigat na kaso. “Kasi ‘pag ginawa mo ‘yon, pwedeng reckless imprudence resulting in homicide kung namatay, or resulting in physical injury,” babala ni Demova. Ibig sabihin, hindi sapat na nasa tamang lane ang driver para makaiwas sa pananagutan.
Sa huli, binigyang-diin ng talakayan na ang kalsada ay para sa lahat at nangangailangan ng sama-samang pananagutan. Ang paglalakad sa EDSA ay maaaring naging viral content, ngunit gaya ng pinunto ng CIA with BA, ito ay hindi lang mapanganib—ito ay labag sa batas, at parehong pedestrian at motorista ang dapat mag-ingat upang maiwasan ang trahedya.
Ang CIA with BA, na pinangungunahan ng magkapatid na sina Sen. Alan at Pia Cayetano kasama si Boy Abunda, ay mapapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento