TITO BOY MAY MATINDING PAYO SA MGA GUSTONG SUMIKAT!

Tito Boy, may matinding payo sa mga gustong sumikat!

Sa mundo ng showbiz, hindi sapat ang talento lang para makilala at magtagumpay. Kailangan ng puso, determinasyon, at malinaw na pagkakakilanlan bilang isang artist. Ito mismo ang mensaheng tumatak sa “Ask Boy Abunda” segment ng CIA with BA, kung saan isang performer mula sa Hong Kong na si Athena Alba ang nagtanong kay King of Talk Boy Abunda tungkol sa kung ano nga ba ang sikreto para mahalin ng masa.

Nagsimula si Athena sa tanong kung ano ang dapat taglayin ng isang artist upang makuha ang pagmamahal ng publiko, lalo na’t napakarami nang nagtatangkang pumasok sa industriya.

“Kahit hindi sa masa, kahit ‘pag nasa entablado ka lang, importante na alam nilang gustong-gusto mo ‘yung ginagawa mo,” sagot ni Boy Abunda, na binigyang-diin ang kahalagahan ng tunay na passion sa pagpe-perform.

Dagdag pa niya, “I like artists who are hungry. Gusto ko ‘pag kumakanta sila ng awitin, parang it’s the last song they’re going to sing in life. Bawat hinga, bawat tingin, bawat note ay ninanamnam.”

Para kay Tito Boy, bukod sa passion at hunger, mahalagang pinaghihirapan din ng isang artist ang kanyang tagumpay upang maramdaman ng audience ang katotohanan sa kanyang performance.

Nang tanungin naman ni Athena kung paano malalaman ng isang artist kung ano talaga ang para sa kanya, hinikayat ni Boy Abunda ang mga aspiring performers na huwag matakot mag-experiment.

“You go to as many genres as possible… so don’t be afraid to experiment, to go on an adventure, looking for your musical identity,” aniya, habang ikinukuwento ang kanyang karanasan sa pagma-manage ng mga singer na unti-unting natagpuan ang kanilang tunay na tunog sa pamamagitan ng pag-explore.

Sa huling tanong ni Athena kung paano naman maging kakaiba sa gitna ng napakaraming artists ngayon, sagot ni Boy Abunda, “You have to discover that: ‘What makes me different?’ It can be physical, it can be in the music, it can be in the style, so kailangang meron kang identifying mark.”

Paliwanag niya, bawat artist ay kailangang magkaroon ng sariling differentiator—isang katangiang natatangi sa kanila na magpapatingkad at magpapakiala sa kanilang pagkatao sa entablado.

Sa pagtatapos, pinasalamatan ni Boy Abunda si Athena Alba sa mga tanong na puno ng pagninilay at inspirasyon para sa mga nagnanais makilala sa mundo ng sining. Para kay Tito Boy, ang tunay na susi sa tagumpay ay hindi lang talento, kundi ang gutom, puso, at sipag na makikita sa bawat pag-awit at pagganap.

Ang CIA with BA, na pinangungunahan nina Senators Alan Peter at Pia Cayetano kasama si Boy Abunda, ay napapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA 7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento