CIA with BA’: May pananagutan ba ang LGU sa mga batang lansangan?
Bilang paggunita sa World Population Day, tinutukan ng public affairs program na ‘CIA with BA’ ang mga isyung may kinalaman sa kapakanan ng komunidad, partikular na ang papel ng mga local government unit (LGU) sa pagprotekta sa mga batang lansangan.
Sa segment na ‘Tanong ng Pilipino,’ nagtanong si Gerald mula sa Palawan tungkol sa mga batang madalas makita sa kalsada sa kanilang lugar. Ayon sa kanya, ilang beses na nila itong isinumbong sa barangay, ngunit tila walang ginagawang aksyon.
“Minsan po, may mga batang iniiwan at pakalat-kalat sa kalsada pero hindi po nila inaaksyunan [ng LGU] kahit ilang ulit nang sinusumbong,” ani Gerald. “May pananagutan po ba [ang] barangay o LGUs kapag pinabayaan nila ang ganitong kaso? Ano po ang dapat gawin?”
Diretsahang sinagot ito ni Atty. Mark Devoma na may pananagutan nga ang mga LGU sa ganitong mga sitwasyon.
“Meron dapat silang pananagutan kung pababayaan lang nila ang mga batang ito sa kanilang (LGUs) teritoryo,” ani Devoma.
Ipinaliwanag niyang may probisyon sa Konstitusyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga bata laban sa pang-aabuso, pagsasamantala, at kapabayaan. Bukod dito, may mga batas na tumutukoy sa mga tungkulin ng barangay, munisipyo, at lungsod pagdating sa kapakanan ng mga batang lansangan.
Binanggit ni Devoma ang isang memorandum circular mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagsasaad ng tatlong hakbang na dapat sundin ng LGUs: Tawag-Pansin (profiling o pagkilala sa mga bata), Tulong-Tugon (pagbibigay ng tulong gaya ng psychosocial at educational assistance), at Tanggap-Kalinga (pangalaga sa bata sa mas pangmatagalang paraan sa ilalim ng protective custody).
“Kapag ‘yang mga bagay na ‘yan, hindi nagawa, saka po papasok ang pananagutan o liability ng LGUs for failure to implement this kind of policies,” giit ni Devoma.
Tinanong naman ni Boy Abunda kung ano ang kailangang agarang gawin sa ganitong mga kaso. Tugon ni Devoma, dapat unang alisin ang bata sa delikadong sitwasyon at dalhin sa ligtas na lugar kung saan maaari na siyang simulan bigyan ng tulong.
“’Yan dapat ang first goal—to act in the best interest of these children,” sabi niya.
Dagdag pa niya, maaaring pansamantalang ilagay ang mga bata sa isang pasilidad ng LGU, gaya ng multi-purpose hall, habang isinasagawa ang mga kinakailangang intervention.
Sa pamamagitan ng ganitong talakayan, muling ipinakita ng ‘CIA with BA’ kung paano ang simpleng tanong ng mamamayan ay maaaring maging daan sa mas malalim na pag-unawa sa batas, responsibilidad ng pamahalaan, at pangangalaga sa kabataang Pilipino.
Pinangungunahan nina Senador Alan Peter Cayetano at Tito Boy, ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ang adbokasiya ng yumaong Senador Rene Cayetano. Mapapanood ang programa tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.