Mga teenager, may right to privacy nga ba mula sa kanilang mga magulang?
Hanggang saan ang hangganan ng magulang sa pagsilip sa pribadong mundo ng kanilang anak?
Sa makabagong panahon kung saan ang kabataan ay palaging nakababad sa social media, gadgets, at online communication, mas naging mahalagang tanong: may karapatan ba sa privacy ang isang teenager, kahit mula sa mismong magulang niya?
Ito ang pangunahing isyung binigyang pansin ni Andrea mula sa Sucat, Taguig City sa segment na ‘Tanong ng Pilipino’ ng ‘CIA with BA,’ na nagbukas ng masinsinang diskusyon tungkol sa karapatang konstitusyonal at kapangyarihan ng mga magulang.
Tanong ni Andrea, “May right to privacy ba ang isang teenager mula sa kanyang magulang?”
Diretsong sagot ni Atty. Bernadette Maybituin, “Opo. May right to privacy ang mga bata, even from their parents.”
Paliwanag niya, sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas, ginagarantiyahan ang karapatang sa privacy ng komunikasyon at liham para sa lahat ng tao — “walang kwalipikasyon, walang age limit.”
Ngunit binigyang diin din niya na hindi ito absolute.
“Ang right to privacy ng mga bata ay hindi absolute kasi under the Family Code, ang parents natin ang may responsibilidad upang tayo ay gabayan at ingatan, lalo na ‘pag ang mga bata ay nasa menor de edad pa lamang,” wika niya.
Binigyang diin din ni Maybituin na ang karapatang ito ay “subject to parental guidance and parental authority,” na nangangahulugang bagama’t may karapatan sa privacy ang mga menor de edad, may tungkulin pa rin ang mga magulang na sila ay gabayan, protektahan, at bantayan — lalo na habang sila ay hindi pa nasa tamang gulang.
Ipinakita sa segment ang balanse sa pagitan ng pagbibigay-galang sa pagiging indibidwal ng bata at ng responsableng paggabay ng magulang upang masiguro ang kanilang kaligtasan at kapakanan — isang mahalagang usapin na tumatama sa maraming pamilyang Pilipino sa gitna ng modernong panahon.
Pinangungunahan nina Senator Alan Peter Cayetano at ng King of Talk na si Boy Abunda, ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa adbokasiyang sinimulan ng yumaong Senador Rene Cayetano. Napapanood ito tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento