‘CIA with BA’: E-signature at email resignation, legal nga ba?
Sa panahon ngayon kung saan halos lahat ay nagiging digital, marami pa rin ang nalilito kung legal nga ba ang mga electronic documents. Valid ba ang e-signature? Pwede bang mag-resign sa trabaho gamit lang ang email?
Sa episode ng ‘CIA with BA,’ dalawang viewer ang nagtanong tungkol dito—at sinagot naman ito ng mga eksperto sa batas nang malinaw.
“Minsan, nagpadala ako ng file na may e-signature. Tumanggi ‘yung kabilang partido kasi raw hindi valid ‘pag hindi handwritten o wet signature. Tama po ba sila?” tanong ni Grace mula sa Bulacan sa segment na ‘Tanong ng Pilipino.’
Ayon kay Atty. Bernadette Maybituin, “Mali po sila.”
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng E-Commerce Act, na isinabatas noong 2000 at isinulong ng yumaong Senador Rene Cayetano, kinikilala ang e-signature bilang may parehong bigat sa batas gaya ng physical o handwritten signature.
“Under the E-Commerce Act, which was authored by the late Rene Cayetano way back in 2000, ‘yung e-signature [is] given the same legal weight as the physical signature,” paliwanag ni Atty. Maybituin.
“So kahit ‘yung mga agreement, contracts, pwede mo siyang i-e-sig,” dagdag pa niya, na nagpapakita ng pagtanggap ng batas sa digital na pirma.
Isa pang tanong ang galing kay CJ mula sa Quezon City: “‘Yung friend ko, in-email lang ang resignation letter niya sa HR nila. Tinatanggap po ba ito sa batas?”
“Yes, of course po,” sagot naman ni Atty. Marian Cayetano.
Aniya, ayon sa ating labor laws, ang kailangan lang ay makapagbigay ng 30 days notice in writing bago maging epektibo ang resignation. Hindi raw kailangang naka-print o hard copy ito.
“Ayon po sa ating labor laws, ang nire-require lang po dito is kailangan po ang isang empleyado [ay] kailangan pong makapagpadala ng notice of intent to resign 30 days before the effectivity date, in writing,” paliwanag niya.
“So meaning po, hindi naman ipinagbabawal ang pag-submit nito in electronic form and hindi naman po sinasabi na dapat physical paper lang or hard copy. Valid and legally-binded ito,” dagdag pa niya.
Ang mga paliwanag na ito ay patunay na nakakasabay ang batas ng Pilipinas sa pagbabago ng panahon—at kinikilala na rin nito ang kahalagahan at legalidad ng mga digital na dokumento, basta’t ayon sa tamang proseso.
Sa pagtatapos ng segment, hinikayat ni Boy Abunda ang mga manonood na magpadala ng kanilang mga tanong—o mag-video ng sarili habang nagtatanong—at ipadala ito sa official social media pages ng CIA with BA. Malay mo, isa ka na sa susunod nilang masagot!
Sa pangunguna nina Senador Alan Peter Cayetano at ni Tito Boy, ipinagpapatuloy ng ‘CIA with BA’ ang adbokasiya ng yumaong Senador Rene Cayetano. Mapapanood ang programa tuwing Linggo ng gabi, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.