Regular Na Dapat Ako!’: Manggagawang tatlong taon nang walang kontrata, pinayuhan ng ‘CIA with BA’
Kaugnay ng pagdiriwang ng Labor Day noong nakaraang linggo, tinalakay ng ‘CIA with BA’ ang mahahalagang isyu ng mga manggagawa sa segment nitong “Tanong ng Pilipino” sa episode noong Mayo 4.
Isang manonood mula Quezon City ang nagtanong tungkol sa kanyang employer na walang ibinigay na pormal na kontrata.
Aniya, “Saan pwedeng lumapit na Labor [office], sa main branch po ba?”
Sumagot ang legal expert na si Atty. Matt Cesa at ipinaliwanag na ang mga reklamo ukol sa labor ay maaaring idulog sa Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Office na pinakamalapit sa lugar ng trabaho.
“Hindi naman necessarily sa main [office] kayo pumunta, unless nandon [sa area na ‘yon] ‘yung trabaho niyo,” paliwanag niya.
Ibinahagi rin ng manonood na siya ay tatlong taon nang nagtatrabaho sa parehong kumpanya nang walang kontrata, at naniniwala siyang dapat ay regular na siya matapos ang 180 araw ng pagtatrabaho.
Kinumpirma ito ni Atty. Cesa, “Tama [‘yon] na after six months or 180 days, regular na dapat ‘yung employee, pero lagi nating tatandaan na ‘yung probationary employment, dapat sinasabi ‘yan at the time na pumasok ka sa trabaho mo.”
Binigyang-diin niya na dapat malinaw na sinasabi ng employer kung ang isang manggagawa ay nasa probation period, at dapat ipaalam din ang mga pamantayang kailangang matugunan ng empleyado.
“After six months, magiging regular employee ka na dapat or kung hindi ka pumasa, either pwedeng i-extend ‘yung probationary employment mo. Ang mahirap dyan, lagpas three years ka na,” saad ni Atty. Cesa.
Payo ni Atty. Cesa sa manonood ay alamin muna kung siya ba ay nasabihan ukol sa pagiging probationary at kung may itinakdang pamantayan noong una siyang pumasok.
“Kung wala, on your first day, regular employee ka na agad,” aniya.
Dagdag pa niya, bagama’t karaniwang anim na buwan ang probationary period, maaari itong mapahaba depende sa napagkasunduan ng employer at empleyado.
Pinangungunahan nina Senator Alan Peter Cayetano at King of Talk Boy Abunda, ang ‘CIA with BA’ ay nagpapatuloy sa adbokasiya ng yumaong Senador Rene Cayetano. Napapanood ito tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, at may replay tuwing Sabado, 10:30 p.m. sa GTV.